17Please respect copyright.PENANAe1Nif0OpV0
Tahimik ang loob ng art room sa school nang huli silang magkita ni Tricia. Kabilang si Caloy sa mga piling estudyanteng inimbitahan para sa art mentoring workshop ng alumni. Hindi niya inaasahan na makikita uli si Tricia, ang dating estudyante ng parehong paaralan at ngayo’y isang assistant creative director sa isang kilalang media outfit.
“Caloy, ‘di ba?” bati ni Tricia habang nilalapitan siya.
Napalingon si Caloy, medyo naiilang. “Ah, opo. Ikaw po si Ate Tricia…?”
“Yup. Nakita ko 'yung comics mo sa TV. Ang galing mo. At higit sa lahat, ang lalim.”
Namula si Caloy. Hindi siya sanay pinupuri, lalo na sa art na galing sa damdamin.
“Salamat po. Kwento lang po kasi 'yon ng tatay ko.”
“‘Kwento lang?’ Grabe ka. Ang kwento ng buhay, lalo na kung totoo, ‘yon ang pinakamakapangyarihang art.”
Napayuko si Caloy, ngumiti. Hindi niya alam kung anong sasabihin, pero ramdam niya ang sinseridad sa tinig ng dalaga.
“May idea ako,” bulong ni Tricia habang naglalakad silang dalawa papunta sa canteen matapos ang session. “Gusto mong tulungan kitang mas mapalawak pa ang audience ng komiks mo?”
“Ha? Paano po?”
“Well, I work with a small production team na gumagawa ng short animations and visual features for advocacy campaigns. May partner kaming NGO na naghahanap ng mga real-life stories of resilience. You know, mga kwento ng tunay na lakas.”
Nanlaki ang mata ni Caloy.
“Gusto mo bang i-feature natin ang comics mo? Pwede naming gawing short digital video. Boses mo, visuals mo, story mo. Pero mas maraming makakakita.”
Parang tumigil ang mundo ni Caloy saglit. “P-pero… totoo po? Ako?”
“Bakit, sino ba dapat? Ikaw ang gumawa. Ikaw ang anak. Ikaw ang may kwento.”
Sa unang pagkakataon, hindi lang niya naramdaman na artist siya. Naramdaman niyang may halaga siya. May saysay ang tahimik niyang pagmumuni. Ang bawat gabing ginugol niya sa ilalim ng desk lamp, biglang nagkaroon ng mas malawak na liwanag.
“Kung okay lang sa’yo, Caloy,” dagdag ni Tricia, “ako na ang bahala sa pitching. Magsasama ako ng producer at writer. Pwede kitang samahan sa bahay ninyo. Interviewhin ka, pati si Tito Bentong.”
Natigilan si Caloy. Bigla siyang kinabahan.
“Okay lang po kaya kay Papa?” tanong niya. “Mahina na kasi siya ngayon. Hindi na rin siya masyado nagsasalita.”
“Hindi kailangang sapilitin,” sagot ni Tricia. “Kung anong kaya niya, sapat na ‘yon. Pero gusto kong marinig ng mundo ang mensahe mo, Caloy.”
Kinagabihan, hindi mapakali si Caloy habang kausap ang ina.
“Ma… may gusto pong tumulong para ikwento ang komiks ko. Sa mas malaking platform.”
Napatigil si Martha habang naglalaba. “Totoo ba ‘yan, anak?”
“Opo. Si Ate Tricia po. Galing din siya sa school natin. Taga-media. Sabi niya, gusto raw nilang gawing short feature ‘yung kwento natin.”
Tahimik si Martha saglit, bago dahan-dahang ngumiti. “Alam mo, hindi ko sukat akalaing ang batang ‘yan na tahimik at puro drawing, balang araw… ikaw pa ang magdadala ng pangalan ng tatay mo sa mas maraming tao.”
“Ma, hindi ko po ‘to ginagawa para sumikat…”
“Alam ko, anak. Kaya nga mas karapat-dapat marinig ang kwento mo.”
Pagbalik ni Tricia sa bahay nila kinabukasan, dala niya ang dalawa pang miyembro ng team niya. Maayos ang galaw ng grupo—may bitbit na camera, audio recorder, at ilang tanong na ihinanda nila.
Pinayagan ni Bentong ang interview kahit hindi na siya gaanong makapagsalita. Sa bawat tanong, sumasagot siya sa pamamagitan ng pagtango, pagbuntong-hininga, o paghawak sa kamay ni Martha.
Si Caloy ang nagsalita para sa kanya. Sa bawat salaysay niya, napapaluha ang mga tao sa loob ng kwarto.
“Bata pa lang ako, alam ko nang hindi simple ang tatay ko. Hindi siya sikat para sa marami. Pero para sa amin, sapat na siya. Kulang pa nga, kung tatanungin mo ako.”
“Kahit kailan, hindi niya kami ginawang pabigat. Kahit siya ang pagod, siya pa ang nagpapatawa. Pano mo malilimutan ‘yon?”
Pag-alis ng team, tahimik si Caloy sa tapat ng pinto. Nilapitan siya ni Tricia at inabot ang isang flash drive.
“Nandito ang rough cut ng video. Panoorin n’yo po muna as a family. Pagkatapos, kapag ready na kayo, ipo-post na namin.”
“Maraming salamat po, Ate Tricia,” mahina niyang sagot.
Ngumiti ang dalaga. “Hindi mo na kailangang magpasalamat, Caloy. Ang mga kwento tulad ng sa inyo, bihira. At sagrado.”
Kinagabihan, pinanood nila ni Martha ang rough cut. Habang lumalabas ang panel drawings at boses ni Caloy sa background, walang imik si Bentong. Ngunit sa dulo ng video, nang lumabas ang linya:
“Ang Tatay kong si Bentong—hindi artista ng pelikula, kundi bida ng puso ko.”
…may pumatak na luha mula sa mata niya.
Walang salita. Walang halakhak. Pero sapat na ang katahimikan na ‘yon para sabihing: napakinggan na rin siya, sa wakas.
ns216.73.216.238da2