Kabanata 33: Sa Dalawang Ina
Isang hapon ng Sabado, habang abala sina Ysay sa pamamalengke at si Ramil naman ay nasa likod ng bahay nag-aayos ng gripo, may bumusina sa harap ng gate.
“Tao po…” sigaw ng boses na halos tatlong taon nang hindi naririnig sa lugar na ‘yon.
Si Tentay.
Payat siya ngayon. May tila baon sa ilalim ng mata, dala marahil ng puyat at pagod — o baka ng alaala ng mga desisyong hindi na pwedeng balikan.
Pinagbuksan siya ni Ramil. “Oh, napadalaw ka?”
“Pwede ko ba makita si Jae Ann?”
Hindi siya tinanggihan ni Ramil. Pinayagan niya. Wala siyang dahilan para ipagkait ang anak sa ina nito. Alam niyang may karapatan pa rin si Tentay, kahit pa gaano ito nasaktan o iniwan noon.
Nasa kwarto noon si Jae Ann, nagkukulay ng assignment sa Arts.
“Nay Tentay!” sigaw ng bata, sabay talon mula sa kama. May ngiti at konting pagkasabik sa mukha niya. Lumingon ito kay Ramil, “Papa, andito po si Nay Tentay!”
“Go, anak. Doon kayo sa sala, may juice sa mesa.”
Dumiretso si Tentay sa upuan habang yakap-yakap ng mahigpit ang anak. “Kamusta ka na, baby?”
“Ayos po ako! Alam n’yo po ba? Ako po ang Top 1 sa klase!”
Napangiti si Tentay, “Talaga? Galing naman ng anak ko.”
“Opo, kasi po si Mama Ysay tinuturuan po ako palagi. Siya rin po ang nag-check ng notebook ko araw-araw! Tapos kapag may quiz, siya po ang nagpa-practice sa akin.”
Nanigas ang mga balikat ni Tentay. Napakagat siya ng labi. “Si… si Mama Ysay?”
“Opo!” sabay tango ni Jae Ann. “Si Mama Ysay po ang nagsusundo sa akin sa school. Siya po nagluto ng spaghetti nung nagkaroon ako ng medal. Masarap yun, Nay!”
Hindi na nakangiti si Tentay. Napayuko siya, saka dahan-dahang nagsalita.
“Anak, ‘wag mong tawaging mama ang ibang tao. Ako ang mama mo. Hindi siya.”
Umismid si Jae Ann. “Pero siya naman po ang kasama ko araw-araw. Siya ang gumigising sa’kin, naghahanda ng baon ko, naglilinis ng uniform ko, at—at siya po ang yumayakap sa akin kapag umiiyak ako.”
“Tama na,” mahina ngunit matalim ang tinig ni Tentay. “Wala kang karapatang palitan ako ng basta-basta lang.”
“Hindi ko naman kayo pinapalitan, Nay…” namumuo ang luha sa mata ng bata. “Pero mahal ko po si Mama Ysay. Kahit hindi po niya ako tunay na anak.”
Walang nasabi si Tentay. Tumingin siya kay Ramil, saka tumayo.
“Sige. Salamat sa pagpayag,” malamig niyang sabi, saka lumabas ng bahay.
Naiwan si Ramil na yakap-yakap si Jae Ann, habang sa kanyang isipan, napagtanto niyang may mga sugat sa pagitan ng mga ina at anak na hindi kayang tapalan ng simpleng paliwanag.
Pero sa puso ng isang bata, ang tunay na ina — ay ang taong nariyan, umaalalay, at nagmamahal. Araw-araw.
ns216.73.216.51da2