Kabanata 38: Habang Si Mama’y Namamahinga
Tahimik ang bahay tuwing umaga. Wala na ang karaniwang kaluskos ni Ysay sa kusina. Walang tunog ng kutsarang hinahalo sa tasa ng kape. Wala ring masiglang boses na tumatawag sa mga bata para maghanda na’t maligo.
Ngayong nakabakasyon si Ysay sa trabaho, ibang-iba ang araw-araw sa pamilya.
"Ate, ako na magpapainit ng tubig," alok ni KC kay Jae Ann habang bitbit ang termos.
"Sige, bantayan mo lang, ha. Ako na bahala sa baon," sagot ng panganay, sabay abot sa pandesal na sinimot kagabi pa.
Samantala, si Angelique ay naglalatag ng uniporme nilang magkakapatid sa sofa. Halata sa kilos na sanay sa sistema, pero ngayon ay pilit pinupunan ang presensya ng ina.
Sa loob ng kwarto, si Ysay ay nakahiga pa rin. Hawak ang ice pack sa sentido at ang kanyang bagong salamin sa mata ay nakapatong sa side table. Wala siyang lakas bumangon, pero ramdam niya ang pagmamahal sa paligid.
Pumasok si Ramil, may dalang sabaw na mainit.
"Paborito mong monggo, ‘Ysay. Niluto ko para sa’yo," aniya habang inaayos ang unan sa likod ng asawa.
Ngumiti si Ysay. Mahina, pero totoo.
"Salamat, love,Pasensya na kung ako naman ngayon ang inaalagaan."
"Wala kang dapat ikahiya. Ilang taon mo kaming binuhat. Panahon na para kami naman."
Maging sa gabi, hindi nagpapabaya si Ramil. Paggising niya sa madaling araw para sa welding project, sinisilip niya muna si Ysay. Kapag sabado’t walang pasok, sabay-sabay silang naglilinis ng bahay.
Nagugulat pa si Ysay minsan kapag nakikita niyang malinis na ang lababo, may nilutong ulam sa kalan, o kaya’y may sulat si Angelique sa papel:
"Get well soon Mama. Ikaw lang ang forever Queen namin." 💗
Tuwing Linggo, family day nila sa bahay. Pero ngayon, sa kwarto lang sila nagsisiksikan. Bitbit ng bawat isa ang kanya-kanyang gamit—si KC may coloring book, si Angelique may stuffed toy, si Jae Ann may reviewer, at si Ramil may barbell sa gilid.
Pero iisa ang kanilang ginagawa—pinaparamdam kay Ysay na kahit nakahiga siya, siya pa rin ang puso ng tahanan.
Sa gitna ng katahimikan, napaluha si Ysay. Hindi dahil sa sakit ng ulo, kundi sa sakit ng sobrang pagmamahal.
ns216.73.216.239da2