Kabanata 8: Lihim na Hangad
Tahimik ang hapon habang pinapaliguan ni Tentay si Jae Ann sa palanggana. Katabi niya si Aling Ana, naglalampaso ng sahig. Walang imikan, ngunit parang sumisigaw ang pagitan nila.
Pagkatapos ng paliligo, dinala ni Tentay ang anak sa kuwarto nila ni Ramil — isang maliit na silid na dating pagmamay-ari ng bunsong kapatid nito. Doon niya madalas isiping parang nanghihiram lang siya ng puwang, kahit pa asawa na siya ni Ramil.
Gabi na nang umuwi si Ramil mula sa overtime. Pawisan, pagod, may bitbit na brown bag ng pan de sal at isang bote ng gatas.
"Pasensya ka na, mahal, na-late ako. May rush delivery ulit kina Sir. Eto oh, para kay Jae Ann."
Ngumiti si Tentay. Pilit. "Salamat."
Pagkatapos ng hapunan, habang natutulog na ang bata, saka niya binuksan ang matagal na niyang kinikimkim.
"Mahal..." Mahina ang boses ni Tentay. "Naisip ko lang... paano kung bumukod na tayo?"
Napatingin si Ramil. "Ha? Bakit naman?"
"Hindi ba mas makakabuti kung may sarili tayong lugar? Yung kahit maliit lang... basta may privacy tayo, may sariling espasyo si Jae Ann. Hindi ko sinasabing hindi ako nagpapasalamat sa mga magulang mo, ha. Pero... araw-araw na lang, parang wala akong lugar dito."
Napabuntong-hininga si Ramil. "Alam kong mahirap. Alam kong hindi rin sila ganoon ka-warm sa'yo. Pero love, dalawang pamilya na ang binubuhay ko ngayon. Kung bubukod tayo, dagdag gastusin 'yon. Paano na ang mga kapatid ko? Si Bunso, mag-eenroll na."
"Alam ko. Kaya nga gusto ko na ring magtrabaho kahit paano. Kahit sa bahay lang. Magbenta, manahi, maglaba... basta makatulong ako. Hindi ko hinihiling na mas mahalin nila ako. Pero gusto ko naman maramdaman na may sarili tayong tahanan."
Matagal na katahimikan ang sumunod. Humiga si Ramil sa banig, nakatingin sa kisame, tila binibilang ang mga bitak sa plywood na kisame na para bang makakahanap doon ng sagot.
"Hindi ko pa maipapangako ngayon, Tentay," sabi niya sa wakas. "Pero... sige. Maghahanap ako. Baka may murang paupahan sa kabilang kanto. Pero kailangan natin magtipid. Kailangan nating maging matatag."
Niyakap siya ni Tentay mula sa likod. Hindi na siya umiyak — ubos na yata ang luha niya. Pero sa unang pagkakataon, pakiramdam niya, narinig siya ni Ramil.
At kahit pa hindi agad-agad, may pag-asa siyang kakayanin nila — sa sariling tahanan, kahit simpleng kubo lang, basta hindi siya dayuhan sa sarili niyang bubong.
16Please respect copyright.PENANAAGvCMoyYco