Kabanata 40: Tahimik na Takot
POV ni Jae Ann
Hindi ko alam kung kailan nagsimulang mag-iba ang pakiramdam ko sa bahay. Mas madalas na tahimik si Mama Ysay. Hindi na siya sumasayaw sa kusina habang nagluluto ng agahan, at bihira na siyang tumawa ng malakas.
Nag-aalala si Papa Ramil. Kahit hindi nila sabihin, nararamdaman kong may hindi tama. Lalo na nung isang gabi, narinig kong umiiyak si KC sa kuwarto namin.
"Ate, nakita ko si Mama kanina… may dugo sa tissue niya. Akala niya di ko nakita. Ayoko na. Ayoko pong may mangyaring masama sa kanya…"
Hindi ko siya masagot. Kasi ako rin, natatakot.
POV ni Angelique
Hindi ko na gusto ang pakiramdam ng ospital. Maingay pero parang ang lungkot ng mga tunog. Ilang beses na kaming pumunta nitong linggo.
Nasa loob ulit si Mama. May inilagay silang parang mask sa mukha niya, tapos pinapasok siya sa loob ng malaking makinang umiikot—sabi nila MRI daw ‘yun.
Nung sumunod na araw, CT scan naman. Pagkatapos, dinala siya sa ibang klinika para sa endoscopy. Parang hose na may ilaw na pinapasok sa bibig niya habang tulog siya, para daw makita kung may sugat sa loob.
Nakita kong nakayuko si Papa Ramil habang hinihintay ang resulta. May hawak siyang maliit na rosaryo, at pinipisil niya ‘yon, parang sinasabayan ng bawat tibok ng puso niya.
POV ni KC
Hindi ako sanay makitang mahina si Mama. Siya yung palaging malakas, masigla, masayahin. Pero ngayon, madalas nakahiga. Madalas tahimik. At minsan, umiiyak siya nang palihim.
Tinatanong ko si Papa kung okay lang si Mama.
"Oo naman anak," sabi niya palagi. Pero alam kong nagsisinungaling siya. Kasi nung minsan, nakita kong umiiyak si Papa habang nagsasampay.
POV ni Jae Ann (uli)
Dumating si Tito Henry isang hapon habang galing kami sa ospital. Nagdala siya ng food para sa aming lahat. Ngumiti si Mama pero halatang pilit. At si Papa? Hindi nagsalita buong oras. Tahimik lang habang sinusubuan si Mama ng lugaw.
Pinilit kong ngumiti. Para hindi sila mag-alala. Pero ang totoo? Gusto ko na lang umiyak.
Sa loob ng ospital, ilang araw bago ang inaasahang resulta...
Nasa kama si Ysay, may swero, maputla ang mukha. Katabi siya ni Ramil, nakaupo, hindi kumikibo. Pinagmasdan niya ang asawa habang tulog ito—mukha pa ring maganda kahit pagod, kahit may sakit.
"Wag ka muna susuko, ‘Say..." bulong ni Ramil habang pinupunasan ang noo nito. "Hindi pa pwedeng dito tayo matatapos."
Sa gilid ng pinto, dumungaw si Jae Ann, si KC, at si Angelique. Hawak-hawak ang kamay ng isa’t isa. Tahimik silang nagdarasal, sabay-sabay sa isip:
"Sana po gumaling na si Mama…"
ns216.73.216.239da2