Kabanata 34: Awit ng Pagkawala
Pitong buwan nang lumalaki ang munting himala sa sinapupunan ni Ysay.
Lahat ay excited—lalo na si Ramil. Tuwing gabi, kinakausap niya ang tiyan ni Ysay. Tinutugtugan ng gitara. Pinapangarap nila kung babae ba ito’t kamukha ni Jae Ann, o lalaki’t mahilig din kaya sa musika. Pati ang tatlo nilang chikiting, sabik na sabik sa paparating na kapatid. Si KC nga, may dala nang maliit na sapatos. Si Angelique naman ay palaging dinidrawing ang baby sa kanyang notebook.
Masayang-masaya ang lahat.
Hanggang isang araw, habang nag-aayos si Ysay ng cabinet ng mga damit ng baby — isang matalim na sakit ang sumiksik sa kanyang puson. Napakapit siya sa upuan. Bumagsak ang isang maliit na pajama. Kasabay nito’y pag-agos ng dugo sa kanyang palda.
“R-Ramil…” tinig niya’y halos hindi marinig.
Wala si Ramil noon, nasa grocery para bumili ng prenatal milk na paborito ni Ysay.
Mag-isa siya.
At habang nanginginig ang mga kamay niya’t naglalakad papunta sa telepono, pakiramdam niya'y unti-unting lumalamig ang paligid. Tumatawag siya ng tulong, habang ang luha’y umaagos na parang ulan ng gabing walang tinig ang langit.
Hospital Room. Maputla si Ysay. Walang emosyon. Walang salita. Nakatitig lamang sa kisame.
Wala na ang bata.
Si Ramil ay nakaupo sa tabi niya, hawak ang kanyang kamay, pero kahit siya ay hindi alam kung anong sasabihin. Wala nang hihigit sa sakit na mawalan ng anak na hindi pa niya niyayakap. Anak na halos maabot na nila. Anak na pinangalanan na nila sa mga himbing ng gabi.
“Pasensya ka na…” bulong ni Ysay sa gitna ng katahimikan. “Hindi ko siya naingatan…”
“Huwag mo ‘kong sabihang pasensya,” mahinang sagot ni Ramil habang pinipigil ang luha. “Wala kang kasalanan, mahal. Walang may kasalanan.”
Ngunit kahit ilang ulit pa nilang sabihin ito sa isa’t isa, hindi mapigilan ang sakit.
Iyon ang unang beses na hindi nila alam kung paano haharapin ang umaga. Iyon ang unang gabing wala silang kanta, tawa, o halik.
Tahimik lang silang dalawa — magkahawak ang kamay, magkatabi sa kama, pareho ng tanong:
“Kaya pa ba natin?”
ns216.73.216.239da2