Kabanata 32: Pormal na Pagpapakilala
Isa ito sa mga unang hakbang ni Ramil at Ysay bilang magkasamang magulang—ang dumalo sa Parent-Teacher Conference ng tatlong bata. Bagaman simpleng event lamang ito para sa marami, espesyal ito para sa kanila dahil ito ang unang pagkakataong ipakikilala nila ang isa’t isa bilang magkasama—hindi lang bilang magkaibigan o magkasintahan, kundi bilang pamilya.
Una nilang pinuntahan ang silid-aralan ni Jae Ann, at mainit silang sinalubong ng adviser nito. “Ma’am, Sir… napakabibo po ni Jae Ann. Very participative. At laging may tamang sagot.” Napangiti si Ysay at proud na proud si Ramil. Pinuri rin ng guro ang malinis na handwriting at leadership skills ni Jae Ann, na hindi maiwasang mapangiti ng todo sa tabi ni Ysay.
Sumunod ay sa silid ni KC. Mahiyain man sa umpisa, pero ayon sa teacher nito ay malambing at matulungin si KC sa mga kaklase. “At lagi pong may baon na may drawing pa ng smiley face,” sabay kindat ng teacher kay Ysay. Tawang-tawa si Ramil, at biglang binulong, “Galing ni Mama magpabaon talaga.”
Huli nilang pinuntahan ang classroom ni Angelique, at halos sabay nilang narinig ang teacher na nagsabi, “Napaka-energetic po ng anak ninyo, pero napakagalang din.” Napatingin silang magkasabay kay Angelique na ngumiti at yumakap agad sa beywang ni Ysay. “Best mama in the world,” bulong nito. Lihim na pinisil ni Ramil ang kamay ni Ysay sa gilid.
Pagkatapos ng conference, sabay-sabay silang tumuloy sa mall—isang celebration ng mga magulang para sa mga batang nagsusumikap sa school.
“Greenwich tayo!” sigaw ni Jae Ann. Gusto raw niyang kumain ng lasagna at overload pizza. “Akin ‘to, birthday ko nung isang buwan!” sabay tawa.
Si KC, panay ang sigaw ng “Jollibee! Jollibee!” habang sumasayaw ng Chickenjoy dance sa gitna ng hallway.
Si Angelique naman, todo emote: “Ako gusto ko ng McDo! Kasi love ko ‘to!” sabay ngiti na parang commercial.
Si Ysay, tahimik lang pero sabi niya, “Pwedeng shawarma and fries lang ako, love?”
Si Ramil, nakaakbay habang naka-ngiti. “Ako lugaw with tokwat baboy. Pang-seryoso.” Sabay kindat.
Hinayaan nila ang isa’t isa na piliin ang masarap sa panlasa nila, pero nauwi rin sa isang lamesang pinagsaluhan lahat—iba-ibang fast food sa iisang mesa, iisang pamilya, iisang ngiti.
Habang kumakain, napatingin si Ramil kay Ysay. “Ganito pala ‘yun no? Yung pagod pero buo. Yung hindi perpekto, pero masaya.”
Ngumiti si Ysay. “Oo, mahal. Ganito pala ang pamilya. Hindi kailangan ng dugong magkadugo para masabing totoo.”
ns216.73.216.239da2