Kabanata 38: Gusto Ka Lang Nila, Hindi Mahal
Isang hapon habang naglalaba sa likod ng bahay, natigilan si Ysay nang marinig ang ringtone ng cellphone niya. Hindi karaniwang tumatawag ang numerong ito.
Napakunot ang noo niya. “Unknown number?”
Sinagot niya.
“Hello?”
“Ysay?”
Nanigas siya. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon. Malamig, malambing, pero puno ng pagkukunwari.
“…Joey?”
“Oo,” maikling sagot ng lalaki. “Kamusta ka na?”
Tahimik si Ysay. Naroon ang kaba. Galit? Hindi na. Wala na siyang pakialam sa nararamdaman niya rito—pero hindi rin ibig sabihin na gusto niyang makipagkamustahan.
“Anong kailangan mo?”
“Wala naman,” mabilis na sagot nito. “Naisip lang kitang kamustahin. Narinig kong may anak ka na raw sa kinakasama mo. Mabuti naman kung masaya ka na.”
May bahid ng panunukat ang tono. Hindi siya nagpaapekto.
“Masaya kami,” matatag na sagot ni Ysay. “At hindi lang siya basta kinakasama. Pamilya ko siya. Kasama ng mga anak namin. At ng anak kong si Jae Ann.”
Sandaling katahimikan sa kabilang linya. Saka siya binigla ni Joey.
“Alam mo bang gusto raw ni Tentay kunin si Jae Ann?”
Napapitlag si Ysay. “Anong sinabi mo?”
“Gusto raw ni Tentay may ‘ate’ ang anak namin. Para raw may katuwang. At tsaka para makabawi siya sa pagkukulang. Kaya pinag-uusapan namin kung pwede na ba niyang kunin si Jae Ann.”
Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Ysay.
“Hindi laruan ang bata, Joey,” mariing sagot niya. “Hindi mo pwedeng basta kunin o ibalik na parang gamit lang ‘pag kailangan n’yo na ulit.”
“Bakit? Eh hindi mo naman talaga anak si Jae Ann.”
Saglit na natahimik si Ysay. Pero hindi niya hinayaang kainin siya ng sakit. “Hindi ko siya niluwal. Pero ako ang nagpalaki. Ako ang kasama niya tuwing may sakit siya. Ako ang nagturo sa kanyang magbasa, magdasal, at umiyak nang hindi ikinahihiya ang luha niya. Kaya kung ‘anak’ ang pag-uusapan mo, mas ako ang ina niya kaysa sa inyong dalawa.”
May pumigil sa lalamunan niya—galit, lungkot, takot. Pero binitawan pa rin niya.
“At kung itutuloy niyong kunin si Jae Ann? Hintayin n’yo ang laban.”
Samantala, sa kabilang dako ng lungsod, nagkita sina Tentay at Joey sa labas ng isang fast food.
“Sigurado ka na?” tanong ni Joey habang sinusubo ang fries.
Tumango si Tentay. “Oo. Hindi na pwedeng magtagal ‘to. Anak ko si Jae Ann. At may kapatid na siya ngayon. Hindi ba dapat lang na magkasama silang magkapatid?”16Please respect copyright.PENANA8AUaSSOEzU
Napangiti si Tentay, pero may kung anong kirot sa likod ng mata niya.
Akala niya, matagal na niyang gustong bumuo ng pamilya kay Joey. Pero ngayon, hindi niya rin masigurado kung ito nga ba ang buhay na gusto niya. O baka naman gusto lang niya makabawi.
Sa bahay nina Ramil at Ysay, magkaharap ang mag-asawa habang nagkakape sa gabing tahimik at malamig.
“Ibinalita ni Joey,” ani Ysay, “na gusto na raw kunin ni Tentay si Jae Ann.”
Napatingin si Ramil sa kanya. Nagtama ang mga mata nila.
“Hindi ko sila hahayaang kunin si Jae Ann,” madiing wika ni Ramil. “Hindi nila basta puwedeng wasakin ang buhay ng bata para lang sa sarili nilang konsensya o kapritso.”
Napangiti si Ysay. Mahina, ngunit puno ng tiwala.
“Pamilya natin si Jae Ann. Walang sinuman ang pwedeng bumura sa katotohanang ‘yon.”