Kabanata 35: Himig ng Pagbangon
Lumipas ang mga buwan mula nang mawalan sila ni Ramil ng anak. May lungkot pa rin sa bawat paghinga, lalo na tuwing nadadaanan ang maliit na aparador ng mga damit na hindi na naisuot. Pero sa gitna ng kirot, hindi sila bumitaw. Hindi sila nagkahiwalay.
Pinili nilang bumangon—hindi para sa kanilang dalawa, kundi para sa pamilyang binuo nila.
Si Ysay, ngayon ay nagtatrabaho sa isang call center sa bayan nila. Panggabi ang shift kaya sa umaga, kahit puyat, nakaayos pa rin siya upang ihatid sina KC, Angelique at Jae Ann sa kanilang mga paaralan. Bitbit ang baon, hawak-kamay. Bawat halik ni Ysay sa noo ng mga bata ay parang panata — “Kahit pagod ako, ilalaban ko 'to para sa inyo.”
Si Ramil naman ay kumakayod din. Hindi man araw-araw ang trabaho, pero malalaki ang proyekto ng mga welding jobs na kinukuha niya. Fixed rate at lingguhan ang kita — sapat para sa matrikula, ulam, at minsan, pang-ice cream pag Sabado. Maalikabok man ang paligid ng mga welding site, pag-uwi niya, palaging may yakap siyang hatid.
“Papa!” sigaw ng mga bata, habang si Ramil ay nagpapahid ng pawis, bago sila buhatin isa-isa.
Kapag Sabado ng hapon, isa ito sa pinakamasayang bahagi ng linggo.
Sa maliit nilang sala, umiikot ang tawa habang naglalaro sila ng Pinoy Henyo. Si KC, si Angelique, at si Jae Ann — tagisa silang may papel sa noo, sabik na sabik hulaan kung “Pusa ba ’to?”, “Lugar ba ’to?” o “Pagkain ba ’to?”
“Ma, tao ba ’to?”
“Hindi.”
“Artista?”
“Hindi.”
“Cartoon character?”
“Oo!”
“Si Doraemon?”
“YES!” sabay-sabay nilang sigaw habang naghihiyawan.
Pero hindi lang laro ang pinagsasaluhan nila. Natuto na ring tumulong si Jae Ann sa pag-aaral ng mga kapatid. Matapos ang klase niya sa high school, siya na rin ang nagtuturo kina KC at Angelique ng math at spelling.
“Mas madali kapag si Ate nagtuturo,” bulong ni Angelique minsang nagkamali siya ng sagot.
Pero tuwing may malalalim na assignment si Jae Ann, si Ysay naman ang nagtuturo. May papel at ballpen sa mesa, habang nakaupo sila sa tapat ng electric fan na pinaikot pa ni KC upang sabay silang lumamig.
“’Di ko gets Ma, anong ibig sabihin ng irrational number?” tanong ni Jae Ann.
“Ganito 'yan,” sabi ni Ysay habang gumuguhit ng numero sa papel. “Parang pag-ibig… minsan, hindi mo masusukat ng eksakto. Pero totoo.”
Napangiti ang bata. Si Ramil naman, mula sa kusina, sumisigaw, “Uy, hugasan n’yo rin 'yang mga puso n’yo ha, baka puro formula na.”
Tawanan.
Pagod sila — oo. Pero bawat araw ay buo. Buo dahil may pagmamahal. Buo dahil may respeto. Buo dahil pinili nilang lumaban.
At sa bawat pagpikit ni Ysay tuwing umaga, at bawat pagyakap ni Ramil sa gabi bago siya umalis, iisa ang dalang panalangin:
“Salamat at kahit may nawala, meron pa ring tahanan na naiwan.”
ns216.73.216.51da2