Kabanata 41: Sa Gitna ng Di-Maipaliwanag
Tahimik ang kwarto ni Ysay nang pumasok si Ramil. Nakapikit ang asawa niya, pero hindi siya natutulog. Nahahalata niya iyon sa paggalaw ng daliri nitong palihim na pinipisil ang kumot. Walang salitaan. Umupo si Ramil sa tabi niya at hinawakan ang kamay nito.
“May balita na?” mahina ngunit malinaw na tanong ni Ysay.
Tumango si Ramil, saka umiling. “May findings, pero... ayaw pa nilang magsalita nang buo. Kailangan pa daw ng mas malalim na tests. Rare daw kasi yung case mo, ‘Say.”
Natahimik ulit si Ysay. Ramdam nilang pareho ang bigat ng salitang rare — parang mabigat na ulap na nakabitin pero hindi bumubuhos.
Sa labas ng silid,
Nagkakape si Aling Ana sa kusina habang pinapatulog si KC sa sofa. Si Mang Emilio, tahimik lang na nag-aayos ng nasirang gripo ni Ramil. Parang bumalik sa dati ang bahay — nung sila pa lang ni Ysay ang magkasama, wala pa ang tatlong bata, at puro problema pa rin ang bitbit.
“Nay, salamat talaga,” mahina ngunit taos-pusong sabi ni Ramil habang pinapatuyo ang buhok ni KC gamit ang tuwalya.
“Anak, wala yun. Ako pa ba?” Lumapit si Aling Ana at hinaplos ang likod ng anak. “Wag mong sabihing kaya mong solohin ‘to. Anak ko rin si Ysay sa mata ko.”
Minsan, nagpapaiwan si Aling Ana para tulungan ang mga bata. Si Jae Ann ang tumutulong sa takdang-aralin ni KC, habang si Angelique naman ang taga-gawa ng baon. Si Ramil, pag-uwi galing trabaho, diretso agad kay Ysay.
POV ni Jae Ann
Natutunan ko nang huwag umiyak kapag kaharap si Mama. Pero tuwing gabi, habang lahat natutulog, dun ako bumibigay.
Sa school, palagi kong sinasabi sa mga kaklase na okay lang si Mama. Kasi ayokong kaawaan kami. Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung hanggang kailan ko ‘to kakayanin.
Nung minsang lumapit ako sa kama ni Mama para halikan siya sa noo, narinig kong nagbubulong siya.
“Lord… kung hanggang dito lang ako… bigyan Niyo sila ng lakas.”
Ayokong marinig ‘yon. Gusto ko siyang sigawan. Hindi ka aalis, Mama. Hindi mo kami iiwan.
Pero tumalikod lang ako at humigpit ang hawak sa unan. Tahimik kong iniyak ang galit, takot, at pangungulila.
POV ni Angelique
Minsan, si Lola Ana ang nagpapaligo sa akin. Si Ate Jae Ann ang gumagawa ng assignment ni kuya KC. Hindi na kami sabay-sabay kumakain. Laging may kulang.
Pag nakikita ko si Mama, parang laging pagod kahit hindi gumagalaw. Gusto ko siyang patawanin. Pero kahit mag-joke ako, parang hindi niya na iyon naririnig.
"Mama, magaling kang magpanggap, ha. Pero alam kong nahihirapan ka."
Hindi ko sinabi ‘yon ng malakas. Pero sinabi ko ‘yon sa sarili ko habang tinititigan ko siya.
POV ni KC
Wala akong masyadong naiintindihan. Basta ang alam ko lang, may sakit si Mama. At gusto ko lang na gumaling na siya.
Sa ospital, isang linggo matapos ang huling tests
Pumasok ang doktor habang naroon si Ramil at si Aling Ana. Tiningnan nila si Ysay nang may pag-aalinlangan.
“Sir, Ma’am... may mga bagay kaming hindi pa masyadong maipaliwanag sa ngayon. Sa lahat ng test na ginawa, wala pa ring malinaw na pinagmumulan ng bleeding. Pero hindi rin siya simple. There are signs of systemic involvement. Kailangan pa po nating i-observe at ulitin ang ilang tests.”
Tiningnan ni Ramil si Ysay. Maputla. Tahimik. Pero matatag pa rin ang tingin. Gusto na niyang sumigaw, pero pinipigilan niya.
“Doc, basta gawin niyo ang lahat.”
Tumango ang doktor. “Gagawin po namin. Pero kailangan niyo pong maging matatag.”
Sa bahay kinagabihan
Nasa sala silang lima. Nakahilera sa sofa. Si Jae Ann, KC, at Angelique nakapwesto sa gitna, habang si Aling Ana ay tahimik na nananahi ng punda. Si Ramil ay nakatingin lang sa telebisyon na hindi naman nila pinapanood.
Tahimik ang gabi. Pero ang mga puso nila ay sabay-sabay na humihiling.
“Sana... bukas... may pag-asa.”
ns216.73.216.51da2