Kabanata 7: Himpapawid ng Pagkailang
Kung may himig ang pananahimik, malamang ay iyon ang araw-araw na musika ni Tentay sa bahay nina Ramil.
Bagamat hindi siya sinigawan, ni minura o pinagbuhatan ng kamay, ramdam ni Tentay ang mga salitang hindi kailanman binigkas. Isang tingin mula kay Aling Ana, ina ni Ramil, ay sapat na para manliit siya. Isang pilit na ngiti mula kay Mang Emilio ay tila may kasamang buntong-hiningang hindi niya naririnig pero dama niya sa dibdib.
Nagsimula ito matapos silang magpakasal—sapilitang kasal na pinilit ng mga magulang dahil nga sa kanyang pagdadalang-tao. Hindi ito ang kinathang pag-iisang dibdib ng kanyang mga panaginip. Walang tugtugang banda, walang puting belo, walang masayang palakpakan. Sa halip, may mga matang puno ng pagsisisi, at mga bulung-bulungan ng kapitbahay na parang patalim sa kanyang dignidad.
Si Jae Ann, ang kanilang munting anghel, ay tanging aliw niya. Pero kahit ito'y hindi sapat upang mapawi ang bigat ng pakikisama sa pamilyang malinaw ang pahiwatig—hindi siya kabilang.
"Ay, hindi mo pa nabanlawan nang maayos, iha. Sayang ang tubig," komento ni Aling Ana isang umaga habang tinutulungan niyang maglaba.
"O, 'wag mo na linisin 'yan, ako na lang. Baka mapagod ka na naman," sabay kuha ni Mang Emilio sa kanyang hinuhugasang kawali. Walang pasaring sa tono, pero may 'parang' palaging makahulugan.
Isang Linggo ng hapon, habang nakahiga si Tentay sa kama nilang sulok lang ng bahay, narinig niya ang tawanan ng pamilya ni Ramil sa labas. May handaan. May piesta pala. Wala man lang nagtawag sa kanya.
Pagbukas niya ng kurtina, nakita niya sina Lenlen, Jong, at ang iba pang kapatid ni Ramil na nakapalibot kay Aling Ana habang nagkukuwento ng kung ano-anong kwela. Si Ramil, abala sa pagkakabit ng banderitas. Ngunit walang sinuman ang lumingon sa kanya. Para siyang aninong hindi kasali.
Kinagabihan, habang pinapalitan ni Tentay ang lampin ni Jae Ann, napaluha siya. Hindi dahil sa hirap ng pag-aalaga. Hindi dahil sa puyat o pagod. Kundi dahil sa nararamdaman niyang pagkaligaw sa isang tahanang hindi niya maituring na kanya.
Pagbalik ni Ramil mula sa labas, agad niya itong nilapitan.
"Mahal," aniya, pinilit ngumiti. "Nabati mo ba sina Nay? Nagsabi ka ba sa kanila na... hindi naman ako tamad o pabigat?"
Nagulat si Ramil. "Bakit mo nasabi 'yan?"
"Wala... ramdam ko lang. Yung parang... kahit anong gawin ko, hindi sapat."
Tahimik si Ramil saglit bago marahang tumango. "Alam kong hindi madali para sa'yo. Pero hayaan mo, magbabago rin 'yan. Bigyan mo lang ng panahon. Hindi kasi sanay sina Nanay sa ibang babae sa bahay."
Pero sa loob ni Tentay, parang wala nang panahong kailangang hintayin. Ang panahong iyon, araw-araw niyang dinaraanan. At sa bawat araw na lumilipas, pakiramdam niya'y unti-unting nauupos ang tiwala niya sa sarili.
ns216.73.216.51da2